Report 36: Pabili ng Puto (Isang Pagtingin sa Buhay ng mga Lalaking Nagbebenta ng Aliw)
Marami sa atin ang hindi nakaalam na hindi tang mga babae ang nagbebenta o nag-aalok ng aliw. Kadalasan, kapag sinabing pokpok o prosti, ang unang pumapasok sa isip natin ay mga babae. Bukod rito, kadalasan nating inuugnay sa salitang marumi, walang dangal at mababang uri ng tao. Sinasabi rin na naaapi ang mga babaeng puta dahil para na rin itong pagsasamantala sa kanilang kahinaan, pagsasamantala ng mga kalalakihan na nakaugat pa sa ating kasaysayan at kulturang patriyarkal. Marami ang nawawala sa babae sa pagiging puta nito, ang kanyang pagkabirhen, ang kanyang pagiging malinis, ang pananatiling walang anak habang dalaga at kung anu-ano pa na dala ng ating pagkahon sa kababaihan at pagkababae. Ngunit kung mga lalaki kaya ang nagpuputa meron din kayang mawawala sa kanila? May pinagkaiba ba sa pagpuputa ng babae sa pagpuputa ng lalaki? Ano ang mga isyung pangkasarian na bumabalot sa kalakarang ito?
Ang mga tanong na ito ang aming sinubukang sagutin sa gitna ng pagkamulat ng lipunan sa mga usaping pangkasarian. Ang mga tanong na ito ay tumitimo sa mga isyung kinakaharap ukol sa di pagkakapantay-pantay ng pagtingin sa mga babae at lalaki. Habang mayroong di pagkakapantay-pantay, mayroon ding mga kaakibat na mga pangyayari na nagpapalalim ng kawalan ng katarungan. Sa ating pagtatanong lamang at paghahanap ng mga kasagutan ay siya nating mabibigyang lutas ang mga suliraning hinaharap; dahil sa pagharap lamang sa mga katotohanang pilit nating ikinubli, tayo ay makakalaya sa masalimuot na kahon ng patriarkiya at kawalan ng panatay na pagtingin sa mga kasarian.