Sa Pag-alis ng Piring: Panimulang Pag-aaral sa Penomena nang Pag-usbong ng mga “Fraternities” sa Dalawang Pampublikong Paaralang Sekondarya sa Lungsod ng Quezon
Ang mga kabataan ang itinuturing na pag-asa ng bayan. Sila ang susunod na magpapatakbo ng pamayanan kung kaya inaasahan sa kanila ang pagdadala ng mabuting pagkatao ngayon pa lamang bilang mga kabataan. Ngunit, sa dami ng umaagaw sa atensyon ng kabataan, nagiging palaisipan na ito. Kasama na nga sa umaagaw sa atensyon ng mga kabataan ay ang barkadahan na may ibat-ibang uri. Isa na rito ay ang “fraternity” na siyang paksa sa pag-aaral ng mga mananaliksik. Ginawa ang pag-aaral na ito upang masagot ang pangunahing suliranin na- Anu-ano ang mga dahilan sa patuloy na pag-usbong ng mga high school “fraternities” sa kabila ng mahigpit na pagbabawal sa mga ito? Kasama rin sa ilang mga sinagot ay ang mga katanungang ukol sa pagpapakahulugan ng mga mag-aaral sa “fraternity”, ang mga epekto sa mga miyembro ng “fraternity’ ng pagsali nila rito, ang mga hakbang na isinasagawa ng administrasyon ng paaralan at ang opinyon ng ilang ekspertong may kaalaman ukol dito, maging ang opinyon ng mga pangkaraniwang mag-aaral. Apat na grupo ng “fraternities” na nakuha sa pamamagitan ng snowball effect na uri ng pagkalap ang pinag-aralan-dalawa mula sa unang eskwelahan at dalawa rin mula sa isa pang eskwelahan, kapwa mga eskwelahan sa Lungsod ng Quezon. Dito na rin kinuha ang mga kinapanayam na mga pangkaraniwang mag-aaral at ang adminstrasyon ng paaralan. Magiging isang exploratory at explanatory ito na uri ng pananaliksik. Kasama sa mga ginawang metodolohiya upang makakuha ng kaukulang datos ay ang pagmamasid, ginabayang panayam at key informant interview kung saan ang mga datos na nakalap ay sinuri sa paraang kwalitatibo. Lumabas mula sa datos ang mga temang katulad ng pagkakaroon ng kakilala sa “fraternity” na sinalihan, sense of identity, sense of belonginess, kapatiran, pagkakaroon ng kaibigan at kapatid, pagiging damay sa away at pagkakaroon ng away sa pamilya.